hindi po kayo naliligaw, ito po talaga ang blog ni chanda
Labada
Ibababad ang mga puti. Konting kusot. Isasalang sa washing machine. Mga puti una, isunod na rin ang mga dekolor. Unang banlaw. Panagalawang banlaw. Huling banlaw na may downy. Samahan pa nang madalas na pagpiga, paglipat sa iba't ibang palanggana. Iba rin dapat ang ginagawa sa mga espesyal na damit.
Araw-araw, may paglalabang nagaganap. Bawat isa lang sa atin ay may pagkakataong tanggihan iyon at ipagawa sa iba. Lahat tayo may labada pero hindi tayong lahat naglalaba. May mga iba nga hindi pa naranasang magkusot man lang. Mayroon namang umaako na sa lahat ng paglalabang kakayanin niya, kapalit ng perang panawid buhay.
Sa buhay, may mga bagay na kailangan nating "labhan." Oo, noon isa ako sa mapapalad na nakakapagpalaba sa ibang tao. May mga nakita ako na mas bata pa sa akin na sumabak na sa paglalaba, pero wala lang sa akin. Ano naman? basta ako hindi. Naaawa naman ako sa kanila. Wala na ba silang mga magulang? Tuloy lang ako sa aking buhay. Hindi ko namalayang natatambak na pala ang mga labahan. Ang mga inaakala kong naglalaba ng mga iyon ay nawala na pala. Sa mga araw na kampante ako, unti-unti na palang nauubos ang mga pwede ko pang magamit.
At ngayon, hindi ko alam kung meron bang tamang edad para dito, pero ako na ang dapat maglaba. Unti-unti ko nang natutunan ang proseso, unti unti ko nang nalalabhan ang mga sarili kong damit. Madali lang naman eh. Hindi ko na kailangang kabisaduhin ang mga hakbang. Sarili kong damit, dapat alam ko rin kung paano labhan.Alam kong dapat ko na rin matutunan labhan ang ibang damit. Alam ko kung ano ang mga espesyal sa mga iyon, alam ko kung ano-ano ang mga nakakamantsa kaya dapat ihiwalay. Hindi rin malayo ang tsansang labhan ko ang damit ng mga malalapit sa kin. Sabay-sabay kaming nawalan ng taga-laba. Mapalad at madali akong natuto. Hahayaan ko na lang bang matambak ang mga labahan nila? Hahayaan ko na lang bang dumating ang araw na wala na talaga silang magamit.
Mahirap. Pero ayos na rin at natuto akong maglaba. Hindi man ganoon kadali, pero alam kong magiging masaya ako kapag kukunin ko na ang aking mga sinampay at alam kong may magagamit na muli ako sa mga araw pang dadating.
_____________ naglaba talaga ako ngayon! takte!! at hindi sila natuyo.. kasi mga 9 na ako nagsimula. tapos nung ga 2, kumulimlim, sinilong ko. nde ko na naibalik sa araw dahil nakatulog na ako.Friday, April 15, 2005 at 10:00 PM