hindi po kayo naliligaw, ito po talaga ang blog ni chanda
issue
Matindi na nga pala talaga ang issue ng pagpapababa kay Gloria.
Maraming magtataas ng kilay o di kaya mabwiswisit sa sinabi ko. "Sa pagkadami-dami ng nangyayari, yan lang masasabi mo!?!" Nakakatawa, taga-UP pa naman ako. Institusyon na kung saan pinaniniwalaang radikal ang mag-aaral.
Pero may mga rason naman kasi kung bakit hindi talaga ako mabilis na nakakasunod sa mga isyung panglipunan at pampolitika. Unang una, hindi ito ang mga isyung tinatalakay sa mga majors namen. Kahit nga pagtaas ng kuryente, hindi nauungkat ng mga lecturer. Basta masabi nila ang kailangang masabi para sa araw na iyon (bago pa mag-umpisa ang sem ay nakaplano na para sa kanilang lahat), eh ayos na. Hindi kami gaya nang mga course na nasa AS o Palma Hall. Syempre sila, kailangan nilang pag-usapan iyon. Eh yun naman talaga sakop ng kurso nila.
Pangalawa, wala rin akong GE subject ngayon. Malamang sa kahit anong GE mapag-uusapan iyon. Kahit na Socio, Socsci, Kas, PI, Philo,etc etc.. Basta may paki-alam rin yung prof, sigurandong hindi kayo umaandar sa mga dapat na topic niyo ngayon dahil pinag-uusapan niyo si Gloria. Marami na rin akong natutunan sa mga GE ko dati, at nakakapanghinayang talaga na wala akong GE sa sem na ito, sa panahong ito.
At syempre, hindi ko naman sinisi lahat sa kanila, dahil kung isa akong mamamayan na may paki-alam, magbabasa ako ng dyaryo o manonood ng news. Pero sa mga nangyayari nung nakaraang linggo, ni hindi nga ako nakasulyap sa TV at ang mga dyaryo ngayong weekend ay hindi ko pa nahahawakan.
Hindi ko ito pinost para ipagsigawang "wala akong paki-alam" sa mga nangyayari. Sinulat ko ito bilang isa sa mga mag-aaral na parte ng isang pinaniniwalaang radikal na institusyon pero pag-alam nga lang sa issue ay di magawa. Hindi ako kagaya ng mga estudyanteng taga-up nasa isip niyo, na may mga dalang poster at sumisigaw ng "gloria resign!" At alam kong maraming estudyante ang kagaya ko. Nung mga panahon ng budget cut issue ay nakakatambay pa ako sa Palma, pero sa mga nakita ko, nasa mga 100 lang ang nagsisisgaw dun sa lobby. Sila-sila rin ang nagpapaliwanagan. Naisip ko nun, napakarami ng estuyante sa UP, at karamihan sa kanila ay dinadaan-daanan lang ang mga nagrarally. Halos tuldok lang iyong 100 na yun kumpara sa mga taong may klase sa palma sa oras na iyon. Kaya naman, nasabi ko na noon, na hindi pala totoong radikal ang mga taga-up. Mas marami pa rin ang walang paki-alam, mas marami pa rin ang gusto na lang tumambay at magyosi maghapon. Pero ngayon, mas malaking issue na ito, nakatambay pa rin kaya sila? Dumami na kaya sa 100 yung sumasama sa protesta?
Ngayon, pagkatapos nito, hahanapin ko na yung dyaryo namin ngayong weekend. Magbabasa na ako. Hindi man ako makasama sa aksyon, at least alam ko kung anong nangyayari. Para pagdating ng panahon, kapag tinanong na ako ng mga apo ko kung anong nangyari kay Gloria, hindi ko sasabihing "ay, hindi ko masyado nabalitaan eh, may exam kasi ako nun sa eee43, tapos sumunod naman yung sa 41 at sa 107 kaya hindi ako nakabalita." Kahit na ma-uno ko pa yung mga exam na iyon (na napakalayo ring mangyari), hindi iyon ma-aappreciate pagdating ng araw. Kaya sana, magbasa na rin kayo (may mga nagbabasa kasi nito na alam kong wala ring alam sa issue). Para naman makapagpalitan tayo ng mga haka-haka habang nasa tambayan o sa tuwing mahihinto tayo sa pagrereview. Monday, July 11, 2005 at 7:13 AM