hindi po kayo naliligaw, ito po talaga ang blog ni chanda
bangag
Bangag.
Madalas nang parte ng normal na usapan ang salitang 'to.
"O, nababangag ka na naman!" "Anong kabangagan yan?" "Bangag na naman ako."
Lalo na kapag may nasasabi tayong mga bagay na walang sense. Minsan, hindi mo sinasadya, may gusto kang sabihin pero parang ibang mga salita ang lumabas sa iyong mga labi. Minsan naman talaga, may gusto kong ipalabas na point pero hindi ma-gets ng mga nakarnig kaya ka nasabihang bangag. At sa mga pagkakataong naguguluhan ang mga tao at tinatanong ka kung anong nangyayari sa yo, diba sinasabi mo rin na "ay, nababangag ako."
May dahilan ang bawat kabangagan. Pwedeng wala kang tulog dahil may tinapos kang paper. Pwede ring nauubos na ang lakas mo sa puntong iyon dahil sa sandamakmak mong ginawa. Minsan naman ay nakakabangag ring isiping may crush na pala ang crush mo. At mas nakakabangag malamang bagsak ka na naman sa nakaraan mong exam pagkatapos nang matinding aral na kinabangag mo noon.
Pero may mga dahilang malalalim. Yung tipong hindi mo maisasagot kapag tinanong ka kung bakit ka na naman tigalgal. Yung alam mong mahihirapan ka lalo kapag kinwento mo pa sa kanila. Yung hindi nila alam kung pano sila magrereact pagkatapos mo iyon ikwento. Yung alam mong kailangan mo na ng masayang usapan kaya ka nga nagpakita na sa kanila. Kaya naman kapag tinanong ka, pipiliin mo na lang sabihing "Bangag ako eh." Sa gayong paraan ay matatawa na lang sila at babalik na ulit ang normal na usapan kung saan nagaalaskahan at nagbabarahan kayo.
Mas gusto mo iyon. Mas gusto ko iyon. Bangag na naman ako eh.Wednesday, August 31, 2005 at 3:36 AM